Pinabulaanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang social media post na nag-aalok ng P5,000 Christmas “payout.”
Sa isang pahayag, hinimok ng DSWD ang publiko na huwag pansinin ang isang post ng video application at huwag i-click ang kalakip na link para makapagrehistro at makatanggap ng dapat na cash grant.
Ang DSWD ay hindi namimigay ng anumang regalo sa Pasko sa pamamagitan lamang ng pagrehistro sa isang link.
Dagdag ng nasabing departamento, ang mga dokumento tulad ng mga identification card ay kinakailangan para makapag-claim ng tulong o mga payout mula sa DSWD.
Sinabi ng DSWD na dapat sumangguni lamang ang publiko sa mga anunsyo na naka-post sa mga opisyal na site at social media pages nito.
Gayundin na hinihikayat ang lahat na manatiling mapagbantay at palaging i-verify ang hindi pamilyar na online content at huwag kaagad maniwala sa mga nakikita sa internet.