Bilang bahagi ng inisyatiba ng gobyerno na mabawasan ang bilang ng mga Pilipinong nagugutom, kinumpirma ngayon ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development na mananatiling bukas ang kanilang Walang Gutom Kitchen ngayong holiday season.
Ang programang ito ay naglalayong makapagbigay ng libreng pagkain para sa lahat ngayong pasko.
Sa isang pahayag ay sinabi ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, tuloy ang operasyon ng Walang Gutom Kitchen ngayong 24 ng Disyembre o Bisperas ng Pasko at maging sa Dec. 30 at 31.
Ang naturang kusina ay magkakaroon din ng regular na operasyon sa Disyembre 26 hanggang Disyembre 29 ng taong ito.
Magsasara naman ito bukas Disyembre 25 at Enero 1 , 2025.
Inaanyayahan rin ng ahensya ang mga pamilya na nasa lansangan at nakararanas ng gutom na magtungo lamang sa Walang Gutom Kitchen.