Nagtalaga ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng disaster team sa Glan, Sarangani para suriin ang epekto ng emergency cash transfer (ECT) sa mga residenteng naapektuhan ng 6.8 magnitude na lindol na tumama sa lalawigan noong Nobyembre 2023.
Ang Emergency Cash Transfer impact assessment ay pinangunahan ni DSWD Asst. Bureau Director Rey Martija ng Disaster Response Management Bureau (DRMB) ng Central Office sa pakikipag-ugnayan sa mga tauhan ng Field Office-12 (SOCCSKSARGEN).
Ang disaster team ng DSWD ay nagsagawa ng sunud-sunod na pagbisita sa bahay-bahay at ‘kumustahan’ sa mga biktima ng lindol upang suriin ang kanilang kasalukuyang kalagayan matapos silang mabigyan ng tulong mula sa ahensya.
Ayon kay Asst.Dir. Martija, mahigit 300 benepisyaryo na nasira ang mga bahay ang nakapanayam sa aktibidad.
Ginamit din ng ilan sa mga benepisyaryo ang cash assistance bilang kapital para sa kanilang maliit na negosyo.
Ang mga pamilyang may totally damaged na bahay ay binigyan ng P27,180.00 habang P13,590.00 naman ang inilaan para sa mga partially damaged na bahay.
Noong Enero 31, ang DSWD Field Office Soccksargen ay nakapagsilbi na sa 5,211 pamilya na nakapagbigay ng mahigit P76.80 milyon.
Una na rito, ang emergency cash transfer payout sa nasabing rehiyon ay nagsimula noong Enero 18.