-- Advertisements --

Kumpiyansa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magagawa ng mga local government units (LGUs) na tuluyan nang makumpleto ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program.

Ito’y matapos na palawigin ni Interior Sec. Eduardo Año ang distribusyon ng SAP ng tatlong araw, o hanggang Mayo 10.

Ayon kay DSWD Usec. Rene Glen Paje, tiwala raw sila sa mga lokal na pamahalaan na ginagawa ng mga ito ang tamang proseso sa pamamahagi ng ayuda.

Dapat ding siguruhin ng mga LGUs na hindi nila ikinokompromiso ang protocols ng Inter-Agency Task Force, partikular sa physical distancing.

“Gayunpaman, ang LGU ay dapat na magsumite ng opisyal na kahilingan sa DILG at maipaliwanag nang lubos ang kanilang kadahilanan kung bakit hindi sila nakatalima sa deadline na naitakda,” wika ni Paje.

Kasabay nito, iniulat din ng DSWD na naipamahagi na sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang mahigit sa P75-bilyon mula sa P80-bilyong pondo ng Social Amelioration Program.

Sinabi ni Paje, ang nasabing halaga ay natanggap na ng 13-milyon mula sa 18-milyong target beneficiaries.

“Sa pangkalahatan, umabot na sa mahigit P75.2 billion ang naipamahagi na sa 13.6 million na mga benepisyaryo sa ating SAP,” ani Paje.

Umabot na rin sa 637 mula sa kabuuang 1,632 na mga lokal na gobyerno ang natapos na ang pamamahagi ng emergency cash subsidy sa kanilang mga nasasakupan.