Ipinag-utos ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang agarang paghahatid ng karagdagang food packs sa mga local government units (LGUs) na tinamaan ng baha sa Ilocos Region, Central Luzon, at Cordillera Administrative Region (CAR) .
Ang National Resource Operations Center (NROC), ang pangunahing disaster response hub ng DSWD na matatagpuan sa Pasay City, ay inaasahang mamamahagi ng 289,906 na kahon ng family food packs (FFPs) sa tatlong rehiyon sa unang dalawang linggo ng Agosto.
Humigit-kumulang 120,406 family food packs ang ipapadala sa Ilocos Region, at 24,500 packs ang ihahatid sa Cordillera Administrative Region.
Inatasan ni Gatchalian si Director Jonathan Dirain ng DSWD-Field Office III na ipaalam sa mga LGU sa Central Luzon na kunin ang kanilang mga nakatalagang family food packs sa National Resource Operations Center.
Makakatanggap ang Central Luzon ng 140,000 food packs dahil sa matinding pagbaha dulot ng habagat na pinatindi ng mga bagyong Egay at Falcon.
Ayon kay DSWD-Disaster Response and Management Group Undersecretary Diane Cajipe, ang mga foodpacks na nakalaan para sa mga lalawigan sa Central Luzon ay kinabibilangan ng 50,000 packs para sa Pampanga, 30,000 para sa Bataan, 50,000 para sa Bulacan, at 10,000 family food packs para sa probinsiya ng Zambales.
Hinimok ni Gatchalian ang mga DSWD regional directors sa CAR, Central Luzon, at Ilocos Region na regular na subaybayan ang mga pangangailangan ng mga LGU na naapektuhan ng iba’t ibang sama ng panahon.