-- Advertisements --

Maglulunsad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng isang bagong online system na magpapadali at magpapabilis sa proseso ng pag-aaplay ng travel clearance para sa mga minors na nais pumunta sa ibang bansa.

Sa isang pulong balitaan nitong Huwebes, Peb. 13, inihayag ni Cheryl Mainar, Social Welfare Officer IV ng Program Management Bureau (PMB) ng DSWD, na ang inisyatibang ito ay layong gawing mas mabilis at mas accessible ang proseso para sa mga Pilipino.

Kung saan hindi na kinakailangan pa umanong magtungo sa mga tanggapan ng DSWD ang mga aplikante upang magsumite ng mga dokumento.

Ayon sa ahenya ang travel clearance ay kinakailangan para sa mga minors na ‘wala pang 18 taong gulang na magpupunta sa ibang bansa nang mag-isa o kasama ang ibang tao maliban sa kanilang mga magulang o legal guardian.

Tinitiyak ng ahensya na ang clearance na kukuhain ay may pahintulot ng mga magulang o legal guardian nito.

Binigyang-diin ni Mainar na sa pamamagitan ng bagong sistema, ang proseso ng pag-aaplay aniya ay magiging mas mabilis.

Samantala ang mga kumpletong aplikasyon na na-verify ay aasahang matatapos sa loob ng isa hanggang tatlong araw, at marami sa mga aplikante ay makakatanggap ng kanilang clearance sa parehong araw.

Kasama naman sa mabibigyan ng travel clearance ang mga minors na magbabakasyon mag-isa, mga kasama nitong prospective adoptive parents, o kasama ang iba pang tao maliban sa kanilang mga magulang o legal guardian bukod dito kasama pa ang mga biological parents kung sila ay illegitimate, o mga minors na wala pang 13 taong gulang na gustong lumabas ng bansa, kasama ang mga kapatid o kamag-anak na higit sa 15 taong gulang.

Gayunpaman, exempted naman sa pagkuha ng clearance ang mga minors na kasama ang parehas na mga magulang nito (kung sila ay legitimate na anak) at ang illegitimate minor na kasama ang ina o legal guardian nito.