Magbibigay ng tulong sa pamamagitan ng isang psychological aid ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga Pilipinong na-rescue ng Department of Migrant Workers (DMW) mula sa pangaabuso sa Myanmar.
Ito ay tiniyak ni DSWD Secretary Rex Gatchalian para makapagbigay ng assistance sa kanilang rehabilitasyon at reintegration ng mga ito sa kanilang pamilya at maski sa mismong komunidad.
Ayon kay Gatchalian, katuwang nila ang Department of Health (DOH) sa isasagawang psychological interventions ng kanilang ahensya para sa mga biktima para masiguro na magiging maayos ang proseso ng inisyatibong ito.
Ani pa ng kalihim, pinakalayunin ng kanilang ahensya na maibalik ang mga biktima sa kanilang mga pamilya at gawing mas aktibong muli ang mga ito sa kanilang komunidad habang nakakatanggap ng mga sapat na serbisyo at benepisyo na handog ng DSWD para sa kanila.
Samantala, sisisguraduhin din aniya ng kanilang mga social workers na mauunawaan nila ang mga indibidwal na kaso ng mga ito para matiyak na mailalabas ng mga ito ang kanilang mga naranasan nang maiwasan ang emotional scarring at mental issues.