Bilang tugon sa panawagan ng mga mangingisdang apektado ang kabuhayan dahil sa pagtagas ng langis ng oil tanker na MT Terra Nova sa Limay, Bataan, siniguro ngayon ng Department of Social Welfare and Development na nakahanda ang kanilang ahensya na maghatid ng tulong pinansyal sa mga ito.
Ginawa ni Assistant Bureau Director for Policy and Administration at Concurrent OIC ng Crisis Intervention Division Edwin Morata ang naturang pahayag sa isinagawang DSWD Media Forum.
Ayon sa opisyal, nakikipag-ugnayan na sila sa mga field offices ng ahensya maging sa mga LGU na apektado ng kumalat na langis.
Layon nito na matukoy ang kabuuang bilang ng mga mangingisda na kailangan ng agarang tulong.
Tinukoy rin ng opisyal ang mga field office na kumikilos na ngayon at ito ang Central Luzon at rehiyon ng Calabarzon.
Ang ipapamahaging financial assistance ay sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation at Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP ng departamento.
Bawat mapipiling benepisyaryo ay makakatanggap ng P1,000 hanggang P10,000 ang cash assistance pero batay pa rin ito sa magiging assessment ng mga social worker.