Nakahandang magpaabot ng tulong ang Department of Social Welfare and Development para sa mga kababayan nating public utility jeepney drivers na apektado ng implementasyon ng isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.
Ito ang inihayag ng naturang ahensya kasunod ng pagtatapos ng consolidation deadline sa mga PUV noong Abril 30, 2024.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Disaster Response Management Group Irene Dumlao, sa ngayon ay wala pang natatanggap na impormasyon ang kanilang kagawaran ngunit kung mayroon aniyang lumapit sa kanilang tanggapan at humingi ng request ay agaran aniya nila itong tutugunan.
Gayunpaman ay nilinaw ng opsiyal na hindi basta-basta mamamahagi ng tulong ang DSWD sapagkat kinakailangan muna aniyang sumailalim sa kaukulang assessment ng isang indibidwal bago ito mapagkalooban ng kaukulang tulong.
Ito ay upang matiyak kung ano ba ang kaukulang tulong o interventions na nararapat ipaabot sa kanila tulad ng pagkain o cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crises Situation, o di kaya’y mga livelihood programs sa ilalim ng Sustainable Livelihood Programs.