-- Advertisements --

Magpapatupad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) nang mahigpit na pagsubaybay sa mga grupong nabigyan ng public solicitation permit sa pamamagitan ng bagong inilunsad nitong digital platform.

Sa Saturday News Forum, ipinaliwanag ni Director Megan Therese Manahan ng Standard Bureau ng ahensya, na ang mga grupo ay dapat na mayroong distribution plan para sa mga nilalayong benepisyaryo. 

Nag-isyu kasi ang DSWD ng public solicitation permits para sa mga non-stock at non-profit organization o social welfare and development agencies (SWDAs) upang protektahan ang publiko na mabiktima mula sa mga mapanlinlang na solicitation activities. 

Sa bagong inilunsad na online portal ng ahensya na tinatawag na HELPS o Harmonized Electronic License and Permit System, ang DSWD ay nagbibigay ng one-stop para sa regulatory services nito para sa mga SWDA.

Sa ilalim ng Presidential Decree No. 1564, na kilala rin bilang Solicitation Permit Law, ang DSWD ay may awtoridad sa regulasyon ng mga donation solicitation at contribution para sa charitable o public welfare purposes. 

Dapat munang kumuha ang mga grupo o organisasyon ng solicitation permit mula sa DSWD bago mangolekta ng mga donasyon o boluntaryong kontribusyon.