Planong muling magsumite ng request for exemption ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Commission on Elections (Comelec) upang makapagpatuloy ang mga ito sa kanilang pagbibigay ng serbisyo sa taumbayan.
Ito ay sa kabila ng ipinapatupad na pamantayan ng komisyon na paglilimita sa public spending ng ilang ahensya ng pamahalaan ngayong panahon ng kampanya.
Sinabi ni DSWD spokesperson, Director Irene Dumlao, na umaasa ang kagawaran na makakatanggap ito ng positibong desisyon mula sa Comelec hinggil sa nasabing request for exemption upang maipagpatuloy nito ang kanilang mga programa para sa tuluy-tuloy na pagtulong sa ating mga kababayan lalo na ngayong kumakaharap sa pandemya ang Pilipinas.
Sa ngayon ay kinakalap pa aniya ng kagawaran ang mga impormasyon at kanilang mga programang kinakailangang maipagpatuloy upang maisumite na ito ngayong linggo sa naturang komisyon.
Binigyang-diin din ng tagapagsalita ang kahalagahan ng mga tulong na ipinapaabot ng ahensya upang maibsan aniya ang epekto ng pandemya lalong lalo na aniya sa mga mahihirap at vulnerable sector ng pamayanan.
Samantala, ibinahagi din naman ni Dumlao na sa kabila nito ay nagpapatuloy pa rin ang DSWD sa pagbibigay ng tulong sa mga lugar na naapektuhan ng nagdaang bagyong Odette.
Kabilang na aniya dito ang kanilang isinasagawang pamamahagi ng family food packs sa tulong na rin ng mga LGU.