-- Advertisements --
image 201

Mas pinaiigting pa ng Department of Social Welfare and Development ang pagpapalaganap ng kaalaman kaugnay ng Expanded Solo Parent’s Welfare Act upang mas maging aware ang bawat solo parent sa karapatan at benepisyong matatanggap mula sa gobyerno.

Kasabay nito ay naglunsad ang ahensya ng Solo Parent Week Celebration kung saan magkakaroon ng ilang mga aktibidad para sa mga solo parents.

Kung matatandaan, noong nakaraang taon ay inamyendahan itong batas upang mas mabigyan pa ng pagkilala ang mga solo parents sa bansa.

Sa ilalim ng Expanded Solo Parent’s Welfare Act na ito, ang solo parent na mayroong minimum wage o mas mababa ay makakatanggap ng monthly cash subsidy na 1,000 pesos mula sa kanilang Local Government Unit.

Dagdag pa dito, ang ilan namang kumikita ng mas mababa sa 250,000 pesos sa isang taon ay magkakaroon ng 10% discount at exemption mula sa value-added tax sa mga bibilhin nilang gatas, pagkain, micronutrient, supplement, sanitary, diapers, gamot, at bakuna para sa bata hanggang umabot ng anim na taong gulang.

Prioridad din ang mga solo parents at ang anak nito sa low-cost housing projects sa pamamagitan ng National Housing Authority, automatic na PhilHealth National Health Insurance at ang pagkakaroon ng scholarships at iba pang educational programs.

Asahan umano ng mga solo parents ng bansa na patuloy na gagampanan ng Department of Social Welfare and Development ang kanilang responsibilidad sa pangangalaga ng kanilang karapatan.