Nasa kabuuang P2.67 billion na pondo ang Department of Social Welfare and Development para sa relief resources partikular sa panahon ng sakuna.
Ito ay sa harap ng pananalasa ng Bagyong Enteng at Southwest Monsoon o Habagat.
Ayon sa Presidential Communications Office, may nalalabi pang P65.56 million na standby funds ang DSWD at P2.6 billion naman para sa food and non-food items.
Bukod pa ito sa mahigit P16 million na inisyal na tulong na naipaabot sa mga apektadong lugar.
Nasa kabuuang 767 na barangays ang apektado ng Bagyong Enteng at Habagat sa regions II, III, V, VI, VIII, VIII, CALABARZON at NCR.
Batay sa datos ng DSWD nasa 80,078 pamilya o nasa 303,938 indibidwal ang apektado ng sakuna.
Umaabot naman sa 60,202 individuals o nasa 14,607 pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan sa 441 evacuation centers.