Muling nagdagdag ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga family food packs sa mga warehouse nito, bilang preparasyon sa mga susunod na kalamidad na maaaring maranasan ng bansa.
Batay sa pinakahuling datus ng DSWD, naghanda muli ito ng hanggang 2 million family food packs na agad ding dinala sa iba’t-ibang mga bodega nito.
Ayon kay Disaster Response Management Group (DRMG) at Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, naka-preposisyon ang mga ito sa iba’t-ibang mga lugar para mas madaling ibiyahe o ideliver oras na kakailanganin.
Malaking bulto nito ay nasa Luzon area tulad ng 200,000 FFP na nasa DSWD National Resource Operations Center (NROC) sa Pasay City.
Sa Visayas, mahigit 247,765 FFP ang nakaimbak sa Visayas Disaster Resource Center (VDRC) sa Mandaue City, Cebu.
Ang iba pang mga FFPs ay dinala sa mga storage facilities sa ibang rehiyon na kadalasang dinadaanan ng mga kalamidad.
Ayon kay Dumlao, kailangan muling dagdagan ang stock ng FFP kasunod na rin ng ilang mga kalamidad na dumaan sa bansa kung saan malaking bulto ng mga nakaimbak na FFP ay ipinamigay sa mga mamayang naapektuhan.
Ayon kay Asec. Dumlao, ang tuluy-tuloy na pagdadala ng DSWD ng mga supplies o FFP sa mga bodega nito ay bahagi ng proactive measure na ginagawa ng ahensiya para matiyak na may nakahanda laging ibigay sa mga mamamayan, oras na may mga kalamidad na makaka-apekto sa kanilang normal na pamumuhay.