Muling humiling ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga community pantry organizers sa bansa na maayos na makipag-ugnayan sa mga local government units.
Ito raw ay upang maging maayos ang pagsasagawa ng mga naturang aktibidad lalo na dahil kasali rito ang nasa vulnerable sectors.
Ginawa ng DSWD ang panawagan ilang araw matapos mahimatay at kalaunan ay namatay si Rolando dela Cruz, 67-anyos, habang nakapila sa community pantry na inorganisa ng aktres na si Angel Locsin sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na kinakailangan munang tiyakin ng mga organizers na nakipagtulungan ang mga ito sa LGUs para na rin sa ikabubuti ng lahat, lalo na ang mga senior citizens at PWDs na kabilang sa vulnerable sector.
Batay umano sa resolusyon na inilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF-EID), inabisuhan nito ang mga indibdiwal na nasa edad 60-anyos pataas na manatili na lang sa kanilang mga bahay upang makaiwas sa coronavirus disease.
Umapela rin ang ahensya sa parehong sektor na huwag nang lumabas sa kanilang mga bahay at makiusap na lang sa kanilang authorized representaives na kunin ang kanilang financial assistance o ayuda mula sa LGU.