Nag-deploy ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng psychological first aid team para tulungan ang mga indibidwal na naapektuhan ng lindol sa Myanmar noong March 28.
Sinabi ni Assistant Secretary Irene Dumlao ng Disaster Response Management Group (DRMG), dumating ang team sa Yangon noong Biyernes, Abril 11, upang simulan ang kanilang humanitarian mission.
Binubuo ito nina Social Welfare Officers Imee Rose Castillo, Rizaline Sta. Ines, Nolibelyn Macabagdal, Joseph Salavarria, Clenson Tibangay, Hidie Mendoza, at Christina Tatoy, at isang psychologist na si Karen Arvie Gabriel.
Ang mga tauhan ng psychological first aid ay bahagi ng mas malawak na Philippine Rapid Response Deployment Team (RRDT), na binubuo ng mga kinatawan mula sa DSWD, Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of Health (DOH).
Pagdating sa Myanmar, sinamahan ng mga miyembro ng RRDT, kasama ang mga opisyal ng Philippine Embassy, ang mga naulilang pamilya upang tanggapin ang mga abo ng dalawang Filipino national na nasawi sa lindol.
Sa Pilipinas, sinimulan ng DSWD ang counseling sessions para sa mga pamilya ng mga apektadong Overseas Filipino Workers (OFWs), na marami sa kanila ay mga guro, na nakatalaga sa Myanmar.