Humingi nang paumanhin si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo matapos na magdulot ng kaguluhan sa ilang tanggapan nila ang programa sa Educational Assistance Payout sa mga student-in-crisis.
Layon ng naturang programa sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ay makatulong sa pagbili nila ng mga estudyante ng kanilang school supplies at iba pang kagamitan at pangangailangan sa pag-aaral.
Paliwanag naman ni Tulfo ang naturang programa ay hindi umano nababanggit ng dating administrasyon ng DSWD at marami umano sa mga bumuhos sa mga tanggapan nila ay ngayon lamang nalaman na meron pa lang ganitong uri ng proyekto.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay DSWD spokesperson at Asec. Rommel Lopez, inamin nito na “na-overwhelm” sila at hindi inaasahan ang response ng napakaraming nangangailangan ng tulong.
Marami sa mga pumila sa ilang tanggapan ng DSWD ay madaling araw pa lamang ay pumila na habang ang ilan naman ay nagpalipas pa ng magdamag.
Sa central office ng DSWD sa Quezon City ay inanunsiyo na magbubukas ang gate ng alas-7:00 ng umaga pero pagsapit ng naturang oras ay agad nang nagpatupad ng cut-off dahil sa hindi na makayanan sa dami ng nag-aagawang makapasok sa gate ng kagawaran.
Ang iba namang DSWD field office o SWAD satellite offices sa mga rehiyon ay itinakda ang payout ng alas-8:00 ng umaga, pero dinagsa rin ang mga ito kahit madilim pa.
Liban sa walk-in ay tumatanggap din ng aplikasyon ang DSWD sa pamamagitan ng email basta may maipakita lamang na certificate of registration sa enrollment o anumang dokumento na magpapatunay na enrolled na ang bata.
Kabilang pa sa requirement ay valid ID ng mga magulang o guardian at mga estudyante na nasa college/vocational na tatanggap ng educational assistance.
Batay sa educational assistance ng DSWD ang ayuda sa elementarya ay may P1,000; habang sa mga high school ay P2,000; samantalang sa senior high school ay P3,000, at sa mga nasa kolehiyo o nag-aaral na sa vocational ay makakatanggap ng P4,000.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Henry Nopia na matagal ding pumila sa DSWD NCR office, sinabi nito na “dapat sana ang ginawa ng DSWD ay sa unang Sabado ay elementarya lamang muna, at sa susunod naman ang high school.”
Nagdulot din ng napakahabang pila ang sitwasyon sa Loyola Street sa Legarda, Maynila kung saan inilipat muna doon ang pagproseso para sa DSWD NCR.
Sa head office ng DSWD ay halos magka-stampede na.
Marami sa mga pumila ay hindi lamang mga estudyante kundi maging ang mga benipisaryo ng 4Ps na nagpadagdag lalo sa buhos ng mga tao.
Ang maraming hindi nakaabot sa cut-off ay pinaiwan na lang muna ang kanilang mga requirements at tatawagan na lamang ng DSWD para sa convernient na schedule nila.
Kaugnay nito, tiniyak ni Asec. Lopez na magpapatupad na sila nang pagbabago sa mga susunod na payout para hindi na maulit ang nangyaring kaguluhan sa ilan nilang mga tanggapan. Kabilang sa umano’y pagbabago ay makakatuwang na nila ang DILG.
“Doon sa labas, we will admit humihingi kami ng pang-unawa at dispensa doon sa ating mga kababayan na kahit kami ay na-overwhelm. Kaya sa 7AM cut-off na kami para naman hindi naman namin ma-break ang COVID protocols,” ani Asec. Lopez sa Bombo Radyo.
Sa ulat naman ng Bombo Cauayan, inabot ng 5,000 ang dumagsa sa tanggapan ng DSWD sa Isabela para makipila sa educational assistance.
Sa impormasyon naman ng Bombo Iloilo, ginanap ang pamamahagi ng ayuda sa Iloilo Sports Complex sa La Paz, Iloilo City.
Sinasabing ala-1:00 pa lamang ng madaling araw ay marami sa mga ito ay nasa pila na habang ang nasa malalayong bayan ay nagpalipas pa ng gabi.
Naranasan din ang tulakan sa lugar at agawan ng puwestro na siyang ikinadismaya ng marami.
Ang naturang sitwasyon ay ikinagalit pa ni Iloilo City Mayor Jerry Trenas at nagbabala na kakasuhan ang nag-organisa dahil sa wala umanong koordinasyon.
Sa bahagi naman ng Ilocos Sur, sa report ng Bombo Radyo Vigan naranasan din ang pagbuhos ng mga tao pero naging maayos naman ang pila.