Naghatid ang Department of Social Welfare and Development ng karagdagang 9,077 family food packs (FFPs) sa Surigao del Sur para ipamahagi sa mga residenteng naapektuhan ng magnitude 7.4 na pagyanig na tumama sa lalawigan noong Disyembre 2.
Ang augmentation ay bilang tugon sa lumalaking pangangailangan para sa mga relief items para sa mga apektadong pamilya.
Inilabas ng departamento ang mga karagdagang FFP sa mga bayan ng San Miguel, Lianga, Bayabas, Lanuza, at Tandag City.
Nakatakda namang ipamahagi ng mga local government unit ang food packs sa kani-kanilang mga nasasakupan na naapektuhan ng lindol.
Sa kabuuang bilang ng mga kahon na naihatid, 1,173 ang inilabas sa Tandag City, 5,774 sa San Miguel, 1,438 sa Lianga, 456 sa Lanuza, at 236 sa Bayabas.
Sinabi naman ng DSWD Caraga Region na mayroon pa itong 22,165 FFP na magagamit para sa pamamahagi at isang standby fund na nagkakahalaga ng P5 milyon.
Una na rito, inaasahan din nito ang pagdating ng augmentation support mula sa Visayas Disaster Resource Center para sa karagdagang mga pangangailangan.