Nagpaabot na humigit kumulang P1 milyong tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilyang apektado ng pananalasa ng Bagyong Aghon sa Bicol Region.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Disaster Response and Management Group (DRMG) at spokesperson Irene Dumlao, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensiya sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang napapanahong pamamahagi ng relief goods at iba pang mahahalagang serbisyo para sa mga inilikas na pamilya na apektado ng baha dahil sa mga pag-ulan.
Sinabi din ng opisyal na mahigit P972,000 halaga ng tulong mula sa DSWD at mahigit PHP316,600 mula sa mga kinauukulang LGU ang naibigay sa mga apektadong pamilya sa Albay, Camarines Sur, Catanduanes at mga lalawigan ng Sorsogon.
Mahigpit ding binabantayan ng ahensya ang mga lugar na apektado ng Aghon at regular na nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang LGU para sa agaran at naaangkop na tulong.
Batay sa pinakahuling ulat ng DSWD-DRMG, nasa 6,542 na pamilya o mahigit 8,200 katao ang naapektuhan ng bagyon mula sa 22 barangay sa rehiyon ng Bicol, Central Visayas, at Eastern Visayas.
Naglaan naman aniya ng mahigit 24,900 family food packs sa mga nasabing rehiyon na magagamit para sa pamamahagi kapag kailanganin.
Samantala, ang DSWD National Resource and Logistics Management Bureau ay nakatakdang magpadala ng mga karagdagang kahon ng food packs sa Field Office 4-A (Calabarzon) para dagdagan ang stockpile para sa disaster response efforts.
Hinimok naman ng DSWD ang publiko na manatiling mapagmatyag at sundin ang mga safety measure na inilabas ng mga lokal na awtoridad.