Nagpaabot ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 99 na mga na-stranded na mga badjao sa Manila North Port Terminal.
Ito ay matapos na maipit ang mga ito nang ipatupad ng pamahalaan ang “no vaccination, no ride” policy sa lahat ng mga pampublikong transportasyon sa Metro Manila.
Namahagi ang ahensya ng P5,000 na tulong pinansyal, family food packs, at personal at hygiene kits sa bawat pamilyang stranded sa naturang pantalan.
Samantala, namigay naman ng pagkain ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga naturang indibidwal ,at nagtalaga naman ng espasyo sa waiting area at parking area sa loob ng Pier 4 ang Philippine Ports Authority (PPA) para sa mga ito habang kasalukuyang inaayos ng 2Go Travel ang rebooking ng mga na-stranded na mga Badjao.
Ang mga naturang Badjao ay na-stranded sa nasabing pantalan matapos na hindi payagan ang mga ito na bumyahe pabalik sa kanilang mga probinsya dahil sa karamihan sa kanila ay hindi pa nababakunahn laban sa COVID-19 habang ang iba naman ay lipas na ang kanilang mga RT-PCR test result.