-- Advertisements --

Nagbigay paalala si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Asst. Secretary Ada Colico sa publiko na i-secure muna ang minors travel clearance ng mga bata bago bumyahe palabas ng bansa. Aniya, maaari kasing humantong sa offloading o yung pagtanggal ng pasahero sa flight kung walang maipakitang dokumento na aprubadong lumabas ng bansa ang isang minor.

Dagdag pa ni Asst. Secretary Colico na sa Immigration pa lamang ay hindi na makakalagpas ang mga minor na walang clearance mula sa ahensya. Ito ay dahil na rin sa pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Bureau of Immigration (BI) sa ganitong proseso.

Ang Minor Travelling Abroad (MTA) Clearance ay requirement ng departamento para sa mga minors o indibidwal na ang edad ay 18 years old pababa na lalabas ng bansa at hindi kasama ang mga magulang o yung mga taong may responsibilidad o legal custody sa kanila.

Kaugnay nito, nilinaw naman ni Asst. Secretary Coico sa publiko na kapag kasama naman ang mga magulang o legal guardian sa pagbyahe sa ibang bansa ay hindi na kinakailangan na kumuha ng clearance

Ang ganitong hakbang ay paraan ng ahensya para labanan ang human trafficking at mapabuti pa ang automated process sa mga opisina ng pamahalaan dahil mayroon na rin itong online application na magkakaroon din ng virtual meeting sa magulang o guardian at ang mismong bata para interviewhin ng mga social workers.