Nagpatupad ng mas striktong guidelines ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagiisyu ng travel permits sa mga menor de edad sa bago nitong programa na Minors Travelling Abroad (MTA) System para maiwasan ang child trafficking at iba pang mga krimen na maaaring kasangkutan ng isang menor de edad.
Kung noon ay kahit sinong may special power of attorney (SPA) ang pwedeng makipagusap sa transaksyon para makakuha ng permit, ngayon ay kailangan na mismong magulang, legal guradian, at travel companinons ng bata ang dapat na bumuo ng account para makakuha ng permit to travel abroad.
Sisiguraduhin din aniya ng DSWD na ang kasama ng bata sa pagaapply ng permit ay mismong mga legal guardian nito lalo na at magkakaroon din ng isang video conferencing para personal na makadalo ang bata o menor de edad na kinukuhaan ng permit.
Samantala, suportado naman ng mga ahensya gaya ng Department of Foreign Affairs (DFA), Bureau of Immigration (BI), Philippine Center on Transnational Crime, Philippine Statistics Authority (PSA), at maging ng Inter-agency Council Against Trafficking (ICAT) ang programang ito ng departamento.