-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development na pumalo na sa 386,260 Family Food Packs ang naipamahagi ng ahensya para sa mga naapektuhan ng sunod-sunod na bagyong nanalasa sa bansa.

Ito ay para sa naging epekto ng bagyong Marce, Nika , Ofel at ST Pepito.

Ayon sa ahensya , kinabibilangan ito ng mga food packs na nakapreposisyon na sa mga DSWD Field Offices , mga naipamahagi sa mga LGU at maging ang ongoing deliveries sa mga apektadong lugar.

Nahatiran ng DSWD ang mga residenteng naapektuhan mula sa Cagayan Valley region, Ilocos, Bicol region, MIMAROPA, CAR, Central Luzon, at Eastern Visayas.

Batay sa datos , nakatanggap ng pinakamalaking bilang ng FFPs ang Region 2 na aabot sa  higit 240,000.

Ang naturang rehiyon ay ang naitalang pinaka-napuruhan nang sunod-sunod na bagyo na tumama sa bansa.

Aabot naman na sa kabuuang  ₱133-milyon ang naipamahagi na humanitarian assistance ng ahensya para sa mga pamilya at indibidwal na naapektuhan ng bagyong Marce, Nika , Ofel at ST Pepito.

Iniulat rin nito ang mahigit 115,000 na pamilya o katumbas ng 467,050 na indibidwal ang kasalukuyang namamalagi sa mga itinalagang evacuation areas sa kanila-kanilang mga lugar.