Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palalawakin nila ang ‘Trabaho sa Bagong Pilipinas para sa 4Ps’ job fair sa iba pang mga probinsya sa Pilipinas sa mga darating na buwan.
Kinumpirma ito ni 4Ps Social Marketing Division Chief Marie Grace Ponce sa isang episode ng 4Ps Fastbreak — isang online talk show na ipinapalabas sa Facebook page ng DSWD noong Miyerkules, Pebrero 26.
‘Asahan po ng mga kababayan natin na iro-roll out natin sa iba’t ibang lugar pa. Alam ko naka-schedule na din tayo na pupunta sa mga lugar ng Pampanga, Bulacan, at Abra. Inaayos pa po yung schedule sa ibang lugar kasi gusto natin marating natin kung nasaan yung mga beneficiaries ng 4Ps,’ sabi ni Ponce.
Layunin ng job fair na tulungan ang mga Pilipino na malapit nang mag-graduate sa programa na makahanap ng trabaho.
‘Kung matatandaan natin, noong 2019, isinabatas ang Republic Act No. 11310 o ang 4Ps Act, na nagsasaad na ang mga beneficiaries ng 4Ps ay hanggang pitong taon lamang sa programa. Ngayong taon, matatapos na ang unang pitong taon mula nang maipasa ang batas at inaasahan natin na mahigit 2 milyong beneficiaries ang mag-eexit sa programa,’ paliwanag pa ni Ponce.
Katuwang ng ahensya ang isasagawang job fair ang Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Binigyang diin pa ni Ponce na sa pamamagitan ng inisyatibang ito, inaasahan ng ahensya na matutulungan ang mga matatapos na 4Ps households na magkaroon ng trabaho at maging self-sufficient.
Maalalang noong Enero 31, naganap ang kauna-unahang ‘Trabaho sa Bagong Pilipinas para sa 4Ps’ event sa Rizal Memorial Stadium sa Pasay City, kung saan halos 12,000 na 4Ps beneficiaries ang dumalo.
Kaya’t nitong unang bahagi ng Pebrero, inilunsad din ang job caravan sa mga lungsod ng Iloilo, Tagum, at Dumaguete, na pinangunahan ng DSWD at dinaluhan ng tinatayang 3,000 katao.