Siniguro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nakahandang tulong na ipapamahagi sa mga mangingisdang apektado ng oil spill mula sa lumubog na MT Terranova.
Ayon kay Assistant Bureau Director for Policy and Administration at OIC ng Crisis Intervention Division Edwin Morata, naghanda na ang mga field office nito ng tulong para sa mga biktima.
Kabilang dito ang mga field office sa Central Luzon at CALABARZON kung saan inaasahang tutuloy ang tumagas na langis.
Una na rin aniyang nakipag-ugnayan ang mga naturang field office sa mga apektadong LGU upang makakuha ng listahan ng mga apektadong mangingisda at maihanda ang kinakailangang tulong.
Ayon sa opisyal, maaaring alalayan ang mga mangingisda sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) kung saan mabibigyan ang mga ito ng cash assistance.
Maliban dito, maaari ding maging benepisyaryo ang mga ito ng programang Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP na ibinibigay sa mga low income worker gaya ng mga mangingisda.
Dito ay nakakatanggap ang mga benepisyaryo ng cash assistance mula P1,000 hanggang P10,000 depende sa magiging assessment ng mga social worker.
Una nang idineklara ng ilang mga LGU ang state of calamity dahil sa epekto ng oil spill, pangunahin na sa Cavite, habang pinag-aaralan na rin ng Bataan ang province-wide declaration dahil sa lumalalang epekto nito.