-- Advertisements --

Nakatanggap ng karagdagang P600-milyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kanilang quick response fund (QRF) pagkatapos ng pananalasa ng dalawang mapaminsalang mga bagyo.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DSWD USec. Rene Glen Paje na muling pinondohan ng budget department ang QRF ng ahensya, na gagamitin para sa pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng mga bagyong sina Rolly at Ulysses.

Ayon pa kay Paje, sapat ang disaster response ng DSWD na may P1.4-bilyong standby funds, kung saan karamihan dito ay hawak ng central at field offices.

Samantala, sinabi ng opisyal na mahigit sa 278,000 food packs ang naka-preposition sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.

Iniulat ni Paje na nakapagbigay na ang DSWD na libu-libong mga food packs sa ilang mga lugar gaya ng Legazpi, Camarines Norte, Marikina, San Mateo, Rizal, Quezon City, at Urdaneta, Pangasinan.

Maliban dito, naglabas na rin ng inisyal na P3.9-milyon ang kagawaran para makatulong sa relief efforts ng mga local government units.