Nakapaghatid na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng kabuuang P76 million na halaga ng tulong sa mga mangingisdang naapektuhan sa pagtagas ng langis mula sa lumubog na MT Terra Nova.
Ayon sa DSWD, P51 million ay naihatid sa mga mangingisda sa pamamagitan ng financial assistance habang ang nalalabing P25 million ay sa pamamagitan ng mga family food packs.
Naihatid ang mga naturang tulong sa 217 Brgy na natukoy na apektado sa oil spill. Ang mga ito ay mula sa Central Luzon at Calabarzon.
Nasa kabuuang 167,857 indibidwal naman ang nakatanggap sa mga naturang tulong.
Samantala, tiniyak ni DSWD Undersecretary Dianne Cajipe na magpapatuloy pa rin ang gagawing pagbibigay-tulong sa mga biktima ng oil spill, habang nananatili ang banta at epekto nito sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Ang mga naturang mangingisda ay naapektuhan sa idineklarang no-catch zone, at fishing ban, dulot ng kumalat na langis.