Iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakapaghatid na ito ng hanggang P1.37 billion na kabuuang cash assistance sa mga naapektuhan ng nagdaang El Niño Phenomenon.
Malaking bulto ng nasabing halaga ay naipamahagi sa mga apektado sa Cagayan valley, at ilang mga probinsya sa Visayas at Mindanao.
Kabilang na rin dito ang hanggang 137,333 na benepisyaryo ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) kung saan bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng tig-10,000 na cash.
Ayon kay DSWD Asst. Secretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Irene Dumlao, ang pagbibigay ng cash assistance sa mga naapektuhan ng El Nino ay bahagi ng plano ng Administrasyong Marcos na tumugon sa epekto ng El Nino.
Bahagi ito aniya ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolks, and their Families (PAFFF) kung saan mismong si PBBM ang nangunguna sa pagbibigay sa mga magsasaka at mangingisda.
Ayon kay Usec Dumlao, ang itinuturing ng DSWD ang nagdaang El Nino bilang isang krisis, kayat tuloy-tuloy ang ginawa nitong pagbibigay-tulong sa mga biktima.