Good news para sa mga miyembro ng 4Ps!
Nakatakdang ilunsad ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development ngayong araw ang pamamahagi ng First 1,000 Days cash aid sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na nagdadalang tao o mayroong anak na 0-2 years old.
Ang naturang programa ay pangungunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Ayon sa ahensya ang unang payout para sa nasabing cash grant ay gaganapin sa Quezon City, San Jose Del Monte , Bulacan, San Mateo, at Rodriguez, Rizal sa Central Office ng ahensya.
Maliban sa pera, makakatanggap rin ang mga benepisyaryo ng 4ps ng essential maternity health kits.
Magbibigay rin ang ahensya ng libreng serbisyong medikal katulad na lamang ng prenatal at postnatal check ups maging ang libreng bakuna sa DOH Mobile Clinic.
Kasabay nito ay isasagawa rin ang ‘commitment signing’ sa magiging implementasyon ng F1KD na nasa ilalim rin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Batay sa datos, inaasahang aabot sa higit 68,000 buntis kabilang na ang mga batang 0-2 years old na miyembro ng programa ang mabibigyan ng buwanang ₱350 cash aid.