Aabot sa kabuuang 660 na pamilya mula sa Quezon City ang nakatanggap ng livelihood assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) NCR.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na bawat pamilya pumasa sa kanilang assessment ay nakatanggap ng P20,000 livelihood settlement grant. Ito ay sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng ahensya.
Paliwanag ng ahensya, magagamit ng mga benepisyaryo ang naturang livelihood assistance para makabangon muli mula sa epekto ng bagyo at El Nino.
Bukod sa 20-K, sumailalim rin ang mga ito sa financial literacy training upang matulungan silang magpatakbo ng negosyo.
Nilinaw naman ng ahensya na lahat ng mga napiling benepisyaryo ay dumaan sa masusing balidasyon katuwang ang Quezon City Social Services Development Department.