Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development(DSWD) ng karagdagang mga volunteer para tumulong sa pag-aayos ng mga family food packs (FFPs) para sa mga pamilyang naapektuhan sa pagsabog ng bulkang Kanlaon.
Ayon sa DSWD-National Resource and Logistics Management Bureau (NRLMB), ang mga volunteer ay maaaring magtungo sa National Resource Operations Center (NROC) sa Chapel Road, Brgy. 195, Pasay City.
Ang mga volunteer ay inaasahang tutulong sa paghahanda ng maraming mga FFPs na inaasahang ipapadala sa mga naapektuhan sa pagsabog ng bulkan, kasama na ang mga huling inilikas kahapon(April 8).
Kahapon ay muling nagkaroon ng explosive eruption sa naturang bulkan na tumagal ng halos isang oras.
Una nang sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na mayroong mahigit 250,000 FFPs na nakapreposisyon sa mga bodega ng ahensiya sa Western Visayas at Central Visayas, bago pa man ang panibagong pagsabog.
Mula noong huling sumabog ang bulkan nitong December 2024, tuloy-tuloy na nagpapadala ang DSWD ng bulto ng mga FFP sa mga residenteng inilikas at pansamantalang naninirahan sa mga evacuation center.
Maliban sa mahigit 250,000 FFPs sa dalawang rehiyon sa Western at Central Visayas, mayroon ding 100,000 FFPs na nakalagay sa mga bodega ng ahensiya sa Negros Island Region.
Karagdagang 2.5 million FFPs din ang nakapreposisyon sa iba pang mga bodega ng ahensiya sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.