-- Advertisements --

Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga restaurant at fast food outlet ng donasyon para sa bagong bukas na Walang Gutom Kitchen (WGP) ng ahensya.

Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na kailangan din nila ng mga volunteer na handang tumulong sa pagpapatakbo ng WGP.

Dating Philippine offshore gaming operator (POGO) hub ang pasilidad ngunit muling ginamit bilang DSWD Pag-abot center.

Ang WGP ay ang pinakabagong programa ng DSWD na nag-aalok ng holistic solutions sa kagutuman at kawalan ng tirahan na Inilunsad noong Disyembre 16. 

Target ng programa ay mga bata, pamilya sa kalsada at iba pang mga Pilipinong nakararanas ng involuntary hunger. 

Dagdag ng kalihim,  ang programa ay hindi lamang tutugon sa involuntary hunger kundi maiiwasan din ang pag-aaksaya ng pagkain.

Nangako naman ang opisyal na magbubukas pa ng mas maraming soup kitchen sa buong bansa sa mga darating na buwan upang maisakatuparan ang vision ni Pangulong Marcos na walang gutom sa Pilipinas.