Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development sa mga volunteer na makipag-tulungan sa ginagawang repacking ng ahensiya sa mga family food packs.
Ayon kay DSWD spokeperson, Asec. Irene Dumlao, nangangailangan ang ahensiya ng mga volunteer para tumulong sa repacking ng mga FFPs na karagdagang ipapadala sa mga apektadong lugar.
Bagaman mayroon aniyang mga naka-preposisyon sa mga rehiyon, maaaring may ibang lugar na mangangailangan ng karagdagang supplies dahil na rin sa lawak ng epekto ng bagyo.
Ayon kay Dumlao, maaaring makipag-ugnayan ang mga volunteer sa National Resource Logistics Management Bureau ng DSWD, o sa local DSWD offices.
Ayon kay Dumlao, magpapatuloy pa rin ang repacking sa mga FFPs para matiyak na hindi magkukulang ang standby, at yaong mga nakahanda nang ipamigay sa mga apektadong residente
Samantala, tiniyak naman ng opisyal na nananatiling sapat ang stock ng FFPs sa kabila ng sunod-sunod na bagyong dumaan sa bansa.
Aniya, maliban sa ginagamit ng DSWD na standby fund ay maaari din itong humingi ng dagdag na pondo para magamit sa procurement ng mas maraming mga food items na ipapamahagi sa mga residente.
Kahapon ay muling nagpadala ang DSWD ng 100,000 ffp sa Bicol Region. Maliban dito, nagpadala rin ang ahensiya ng kabuuang 120,000 FFPs sa iba pang lugar na apektado ng bagyo.