-- Advertisements --

Nanindigan ang pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipagpapatuloy nito ang pagbibigay ng P600 na buwanang allowance sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa halip na bigas.

Maalalang una nang umapela ang pamunuan ng National Food Authority (NFA) sa DSWD na bigas na lamang ang ipamigay nito sa mga benepisyaryo sa halip na cash.

Sa ilalim kasi ng implementing rules and regulations ng Republic Act 11310 o ang batas na nag-institutionalize sa 4Ps program, magbibigay ang pamahalaan ng P600 na cash sa mga benepisyaryo, bilang rice allowance.

Ibig sabihin, ang naturang halaga ay gagamitin ng mga ito sa pagbili ng bigas.

Ayon kay Social Welfare Assistant Secretary Romel Lopez, mas practical at episyente na cash na lamang ang ibigay sa kanila, sa halip na bigas.

Sa ganitong paraan ay nabibigyan kasi ang mga benepisyaryo ng pagkakataon na pumili ng mga merkado kung saan sila bibili ng bigas, sa akmang oras na kanilang mapipili.

Maliban dito, kailangan din anyang pagdesisyunan pa ng National Advisory Council (NAC) kung sako-sakong bigas na lamang ang ibibigay sa mga benepisyaryo sa halip na cash, batay na rin sa itinatakda ng IRR ng naturang batas.

Ang NAC ay binubuo ng DSWD, Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), atbp.