Nanindigan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kanilang ipagpapatuloy ang pamamahagi ng P600 buwanang rice subsidy para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa halip na aktwal na kaban ng bigas.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications at spokesperson Romel Lopez, hindi feasible ang naturang panukala dahil sa logistical requirements na posibleng hindi convenient sa mga benepisyaryo at mas praktikal at efficient umano ang pamimigay ng pera kesa sa pamamahagi ng bigas.
Paliwanag pa ng opisyal na walang nakalaang pondo sa ilalim General Appropriations Act para sa pagbili ng bigas kayat wala aniyang legal cover at hindi na natalakay kasama ang National Advisory Council (NAC) na kinabibilangan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno gaya ng DSWD, Department of Health, Department of Education, Department of Agriculture, Department of Labor and Employment, at Department of Trade and Industry
Una na kasing inirekomenda ng DA kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang aktwal na bigas na isusuplay ng National Food Authority ang ipamigay na lamang sa mga benepisyaryo ng 4Ps sa halip na P600 na rice subsidy dahil maiibsan umano nito ang price pressure sa merkado pagdating sa pamimili ng mahal na bigas.
Sa ilalim kasi ng 4Ps program, ang mga benipisyaryo ay nakakatanggap ng buwanang rice subsidy na nagkakahalaga ng P600 maliban pa sa education at health grants.