-- Advertisements --

Nagawa ng pamunuan ng Department of Welfare and Development (DSWD) na matulungan ang kabuuang 31,234 na mga mag-aaral ngayong taon, sa ilalim ng Tara, Basa Tutoring Program nito.

Ang mga naturang mag-aaral ay natukoy bilang mga non-reader o hindi pa nakakapagbasa na nasa elementarya.

Maliban sa mga mag-aaral, natulungan din nito ang hanggang sa 31,207 na mga magulang at mga guardians sa pamamagitan ng mga reading and parenting sessions na isinagawa, kasama ang mga estudyante sa kolehiyo na binayaran upang magturo o magsilbing tutor.

Sa ilalim ng Tara, Basa Tutoring Program ng ahensiya, binabayaran nito ang mga kwalipikadong college students upang magturo sa mga kabataan.

Pinipili ng ahensiya ang mga estudyante na mayroong maayos na academic record, at nahihirapan sa financial obligations sa unibersidad kung saan sila nag-aaral.

Dahil dito, umabot sa 6,101 na mga college students ang natulungan ng ahensya mula sa mga unibersidad dito sa NCR.

Tiniyak naman ni DSWD Sec. Gatchalian ang pagpapatuloy ng naturang programa, kasama na ang planong expansion nito sa iba pang mga lugar, katulad ng Bulacan at Lungsod ng Marawi.

Ang Tara, Basa Tutoring Program ng ahensiya ay isang modified educational assistance program na tumutulong sa mga mag-aaral na hirap pang magbasa, sa pamamagitan ng pag-assign ng mga tutor na sinasahuran kung saan nagagamit nila ang naturang sahod sa kanilang pag-aaral.