Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tanging ang mga rehistradong sari-sari store owners ang mabibigyan ng P15,000 rice grant.
Ang naturang programa ay bahagi ng pinalawak na cash assistance ng gobierno para sa mga rice retailers na naaapektuhan sa ipinapatupad na price cap para sa well-milled at regular-milled na bigas.
Ayon kay Assistant secretary Rommel Lopez na siya ring tumatayo bilang tagapagsalita ng DSWD, magsisilbing batayn nila ang listahan ng mga LGU sa kanilang pagbibigay ng tulong pinansyal at tanging ang mga nauna nang nairehistro ang kanilang bibigyan.
Ang mga naturang store owners aniya ay yaong mga nagbebenta rin ng bigas na unang tumugon sa naging kautusan ni PBBM.
Nilinaw din ng kalihim na tanging ang mga store owners na unang natukoy na tumugon sa price cap ang bibigyan, at hindi lahat ng mga sari-sari store na nagbebenta ng palay.
Isa rin sa magsisilbing basehan aniya ng Social Welfare department ay ang kopya ng brgy kung saan nakabase ang mga sari-sari store.
Kahapon nang opisyal na sinimulan ng DSWD ang pagbibigay ng rice grant sa mga sari-sari store owners na nagpatupad ng price cap.
Bago nito, nakapagbigay na ang pamahalaan ng P92.3 million na halaga ng cash sa mahigit 6,100 na rice retailers sa ibat ibang bahagi ng bansa.