Bubuksan ang mga opisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa araw ng Sabado at Linggo kung kinakailangan para mabigyan ng pagkakataon ang mga indibidwal at mga pamilya na nais na maging bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, ang naturang inisyatibo ay layuning ma-accommodate ang mga solo parents, poor households, magsasaka, mangingisda at mga indibidwal upang maging bahagi ng naturang programa.
Sa kasalukuyan, bumabalangkas ang National Household Targeting Office (NHTO) ng guidelines para sa On-Demand Application (ODA) para maisama ang mga hindi saklaw sa listahan 3 kung saan prayoridad dito ang mga marginalized at most vulnerable sector ng ating lipunan.
Samantala, ang schedule naman para sa application at iba pang significant details ay hindi pa inaanunsiyo dahil isinasapinal pa ng NHTO ang guidelines.
Subalit paglilinaw naman ng DSWD na ang mga indibidwal at mga pamilya na nais na mapabilang na benepisyaryo ng 4Ps ay subject pa rin sa validation at verification ng personnel ng ahensiya.
Ang Listahan na isang standardized targeting system ang pagbabasehan ng DSWD sa pagtukoy ng mga kwalipikadong household na maging benepisyaryo ng programa alinsunod sa Rule 5 ng Implementing rules and regulations ng DSWD o ang Selection ng Qualified Households and Criteria for Eligibility.