KORONADAL CITY – Ipapatawag ng Kongreso ang lahat ng mga regional directors ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang sagutin ang usapin sa pagkakaantala ng social pension sa mahigit 1-milyong indigent senior citizens sa buong bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Senior Citizen party-list Rep. Francisco Datol Jr., nais niyang tanungin ang nasabing mga opisyal bakit naantala ang pension ng mga senior citizens.
Batay sa kaniyang inihaing House Resolution 656, iginiit ni Datol na nasa 1.57 million indigent senior citizens ang hindi nakatanggap ng kanilang social pensions noong 2019.
Ayon sa kongresista, ang National Senior Citizen Commission na ang magbibigay ng pension sa mga indigent senior citizens ngayong taon.
Nagbabala rin si Datu na isa-subpoena ang mga opisyal na hindi dadalo sa naturang imbestigasyon.
Dagdag ng mambabatas, mananagot sa kasong graft and corruption ang sinumang opisyal ng DSWD na sangkot sa nasabing anomalya.