CAGAYAN DE ORO CITY – Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na na-download na nito ang P73.2-bilyon sa iba’t ibang mga local government units (LGUs) para sa Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno sa gitna ng patuloy na enhanced community quarantine.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni DSWD Usec. Luz Ilagan, kanila nang naipamahagi ang nasabing pondo sa 1,358 LGUs sa buong bansa.
Aniya, 90% na nilang naipamigay ang tulong-pinansyal sa 18-milyong target beneficiaries sa nasabing programa sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
May ginagawa din umano silang re-evaluation sa ilang mga beneficiaries dahil sa natanggap nilang mga reklamo.
Paglalahad pa ng opisyal, may mga nakatanggap daw ng ayuda ang kusang nagbabalik ng pera matapos hindi sila kwalipikado sa nasabing ayuda.
Kung maalala, naglaan ng mahigit P200-bilyon ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ayuda sa mga mahihirap na pamilyang apektado ng krisis dulot ng COVID-19.
Ang bawat pamilyang mapapasama sa mabibigyan ng tulong ay makatatanggap ng ayuda na naglalaro sa P5,000 hanggang P8,000.