Nangako ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kanilang pabibilisin ang paglalabas ng P83-bilyong halaga ng hindi nagamt na pondo.
Kasunod na rin ito ng pagharap ng milyun-milyong Pilipino sa epekto ng COVID-19 pandemic, maging sa sunod-sunod na bagyo na nanalasa sa bansa kamakailan.
Pahayag ito ng DSWD matapos lumabas sa pagdinig ng Senado sa proposed 2021 budget ng ahensya na may natira pang P75-bilyon sa kanilang 2020 budget at nasa P6.7-bilyon mula sa Social Amelioration Program (SAP).
Umaabot din sa P1.5-bilyon ang hindi pa nila nagagastos sa kanilang 2019 budget.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, humingi na raw sila ng tulong sa Department of Budget and Management (DBM) para sa modification ng mga pondo para magamit sa iba pang programa ng ahensya.
Paglalahad pa ni Dumlao, naantala rin ang mga disbursement dahil parte lamang ng kanilang pondo ang natanggap nila noong Oktubre 22.
Siniguro rin ng opisyal sa publiko na magpapatuloy pa rin ang pamamahagi ng cash assistance ng pamahalaan para sa mga mahihirap na pamilya, kabila na ang mga benepisyaryong naapektuhan ng health crisis.
Una nang sinabi ng kagawaran na nasa 5-milyong pamilya ang hindi nabigyan ng tulong sa unang bugso ng emergency subsidy.
Paglalahad ni Dumlao, nakasagabal sa payout ang kakulangan ng impormasyon, gaya ng contact number ng mga benepisyaryo at ang kanilang buong pangalan.