Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy ang kanilang pagbibigay ng mga social protection programs sa mga apektadong pamilya sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o mas kilala rin bilang Bayanihan 2.
Sang-ayon sa nasabing batas, maglalaan ng ayuda ang pamahalaan para sa pagbangon ng mga Pilipino sa harap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa kanilang panig, sinabi ng DSWD na magpapatupad sila ng Bayanihan 2 Emergency Subsidy Program (ESP) para sa mga low-income, non-formal sector family beneficiaries na naapektuhan ng pagpapatupad ng community quarantine measures.
Batay sa pinakahuling ulat mula sa kagawaran, umabot na sa mahigit 142,000 benepisyaryo ang nakatanggap ng kanilang emergency subsidy sa ilalim ng Bayanihan 2.
Sa nasabing bilang, mahigit 11,000 ang mula sa granular lockdown areas, habang mahigit 130,000 ang karagdagang beneficiaries.
Umabot naman sa kabuuang P931-milyon ang kabuuang subsidiya na naipamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa buong bansa.