Pansamantalang ititigil ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang programa nitong pagbibigay ng Guarantee Letter (GL) para sa mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Batay sa opisyal na pahayag ng ahensiya, magsisimula ito sa Disyembre-7 hanggang Disyembre 31, 2023.
Ito ay ipatutupad sa lahat ng tanggapan ng ahensiya sa buong bansa.
Paliwanag ng ahensiya, isa itong hakbang para ma-repaso ng maayos at masikaso ang mga kailangang dokumento na nakapaloob sa ilalim ng programa.
Kailangan kasi ng ahensiya na pagtugmahin ang mga pondo na nailabas sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation Program at mga pondong naipamahagi na sa mga benepisyaryo, kasama na ang mga nabigyan ng Guarantee Letter.
Ito ay bahagi rin ng annual liquidation ng DSWD bilang tugon sa itinatakda ng batas at regulasyong inilabas ng Department of Budget and Management
Sa kabila nito, patuloy pa rin umano ang ahensiya sa pamamahagi ng cash assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo.