-- Advertisements --

Papalawigin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang ‘Walang Gutom Program’ (WGP) matapos ipahayag ng Social Weather Stations (SWS) ang isang malaking pagtaas ng insidente ng gutom sa mga Pilipinong pamilya.

Ayon ‘yan sa ginawang survey noong Marso ng taong kasalukuyan kung saan 27.2% umano ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger na tumaas mula sa 21.2% noong nakaraang survey.

Sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na patuloy nilang pinapalawak ang WGP upang matulungan ang mas maraming lugar sa bansa. Sa kasalukuyan, naglalaan ang DSWD ng P3,000 nang buwanang tulong sa 300,000 na mga mahihirap na pamilya sa buong bansa.

Naglalayon itong matulungan ang 1.5 milyong tao at planong palawakin sa 750,000 na pamilyang Pilipino pagsapit ng taong 2027.

Ayon pa kay Dumlao, nagpapatuloy din ang kanilang operasyon na ‘Walang Gutom Kitchen’ sa Pasay City na nagbibigay ng mainit na pagkain sa mga mahihirap at mga walang tirahan.

Bukod dito, nagpapatuloy din aniya ang mga programa ng DSWD tulad ng WGP Kusinero Cook-Off Challenge na nagtuturo ng wastong nutrisyon at kung paano mapakinabangan ang mga pagkain mula sa WGP upang mapanatili ang malusog na diet ng mga Pilipino.