-- Advertisements --

Walang patid ang Department of Social Welfare and Development sa pagsasagawa ng monitoring sa mga residenteng naapektuhan ng easterlies sa ilang lugar sa bansa.

Nagsasagawa ang ahensya ng assessment sa mga lugar na apektado ng naturang weather system para matukoy ang mga residenteng kailangang mabigyan ng agarang tulong.

Batay sa datos ng DSWD, aabot sa mahigit 6,000 pamilya o katumbas ng 29,585 indibidwal ang nananatiling apektado ng mga pag-ulang dulot ng easterlies sa tatlong rehiyon sa Pilipinas.

Tinukoy ng ahensya ang MIMAROPA, Davao Region, at maging ang bahagi ng CARAGA.

Namamalagi naman ang mahigit 500 pamilya sa 9 na mga itinalagang evacuation center sa naturang mga rehiyon.

Sa kabila nito ay tiniyak ng DSWD na nakahanda silang umalalay at maghatid ng tulong sa mga apektadong lokal na pamahalaan.