Nangako ang Department of Social Welfare and Development na lalo pa nilang palalakasin ang pagbibigay ng mga social services sa publiko na angkop sa sa pagbabago ng socio-economic landscape ngayong taon 2024.
Sa isang pahayag, sinabi ni DSWD Asst. Secretary Irene Dumlao, aabot sa P245-bilyon na ang budget ng kanilang ahensya ngayong taon.
Ito ay gagamitin aniya para mapondohan ang kasalukuyang social welfare and development programs and services ng ahensya at pagpapatupad ng kanilang innovations on digital transformation.
Pagtutuunan rin ng pansin ng DSWD ang muling pagsasaayos ng mga kasalukuyang programa nito.
Layon nito na maging mas inklusibo at umaayon sa pagbabago ng mga pangangailangan ng mga target na beneficiaries .
Pagdating naman sa usapin ng Pantawid Pamilya Pilipino Program , magpapatuloy ang isinasagawang intervensyon ng DSWD sa mga magtatapos na sa programa.
Sa usapin naman ng tinatawag na capacity building, inaabangan ng departamento ang buong operasyon ng DSWD Academy ngayong taon upang bigyang kapasidad ang mga LGU at social welfare agencies sa kanilang pagkakaloob ng mga serbisyo.
Ilulunsad din ng DSWD ang Buong Bansa Handa Program, isang bagong disaster preparedness program,bukod sa pagpapalakas pa sa disaster response at management operations nito.