Kasalukuyan nang pinag-aaralan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang matukoy ang akmang pera o cash grant na ibibigay sa mga benepisyaryo.
Ito ay matapos unang hilingin ni PBBM sa Kongreso na gawing flexible ang 4Ps Law o maglagay ng isang probisyon dito na otomatikong magtataas sa sa cash grant na natatanggap ng mga benepisyaryo batay sa paggalaw sa presyo ng mga produkto o inflation.
Ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, ang cash grant na natatanggap ng mga benepisyaryo ay hindi pa napapalitan simula noong naging ganap na batas ang 4Ps Law (Republic Act 11310) noong 2019.
Kailangan aniyang aralin ng DSWD ang akmang ibibigay na cash grant sa mga benepisyaryo at tiyaking akma ito sa paggalaw ng bayad o presyo ng mga produkto, serbisyo, at mga bayarun.
Ayon sa kalihim, nais ni PBBM na otomatikong mag-upgrade ang benepisyo kada dalawang taon nang nakabase sa galaw o taas ng inflation.
Irerekomenda rin umano ng ahensiya sa mga posibleng pagbabago sa 4Ps Law ang pagbibigay ng karagdagang suporta sa mga benepisyaryo kapag sila ay umalis na sa programa.
Maaari aniyang ibigay ang suporta sa pamamagitan ng scholarship o livelihood.
Sa kasalukuyan ay mayroong 4.4 million na benepisyaryo ng 4Ps sa buong bansa. 400,000 sa mga ito ay inaasahang aalis o mag-graduate na ngayong taon.
Ang mga benepisyaryo ay tumatanggap kada buwan ng P750 health grant, P600 rice grant, at educational grant na mula P300 hanggang P700, depende sa grade level ng mga nag-aaral na anak.