Pumagitan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos mauwi sa suntakan sa pagitan ng alkalde at bise-alkalde ng bayan ng Tobias Fornier sa Antique ang pamamahagi ng food packs mula sa ahensiya.
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, inatasan na ng ahensiya ang regional director ng Field Office 6 para kausapin sina Mayor Ernesto Tajanlangit III at Vice Mayor Jose Maria Fornier upang tiyakin na maihahatid ang mga family food packs sa mga naapektuhan ng El Niño sa bayan ng Tobias Fornier.
Tiniyak din ng DSWD official na masusunod ang distribution list.
Pinaaalalahanan din ang Antique provincial government na ang pamamahagi ng food packs ay nangangailangan ng pahintulot mula sa DSWD alinsunod sa nakasaad sa relief prepositioning agreement (RPA).
Sa naturang kasunduan, pinapayagan ang ahensiya na mag-preposition ng food packs sa mga bodega sa strategic locations sa bansa para sa mas mabilis na paghahatid ng mga ayuda sa panahon ng sakuna o emergencies.
Una rito, nag-ugat umano ang away sa pagitan ng alkalde at bise-alkalde nang harangin ng grupo ni Mayor Tajanlangit ang truck na naglalaman ng food packs na ni-request ni VM Fornier na ipamahagi sa mga residente na hindi makakatanggap ng ayuda.
Sa gitna ng iringan ng 2 local officials, nakunan ng video na sinubukang isara ng bise alkalde ang rear door ng truck at tinamaan ang alkalde, dahilan kaya bumawi ng suntok ang alkalde at nauwi na sa suntukan kung saan sinubukan pa silang awatin ng mga kapulisan na nasa lugar din.
Paliwanag naman ng alkalde, hindi umano nasunod ang proseso ng pamamahagi ng food packs kayat hinarang nila ang nasabing truck.