CAUAYAN CITY – Ipapamahagi na bukas, September 14 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang economic relief subsidy para sa mga rice retailers na apektado ng price ceiling na ipinapatupad ng pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Regiono 2 sinabi niya na batay sa listahan na ibinigay sa kanila ng Department of Trade and Industry (DTI), nasa 595 na rice retailers ang mabibigyan ng ayuda sa Region 2.
Ang lalawigan ng Isabela ay may 320 rice retailers, ang Cagayan ay may 75, ang Quirino ay may 90, ang Nueva Vizcaya ay may 107 habang ang Batanes ay may 3 rice ratailers.
Aniya, lahat ng mga ito ay makakatanggap ng tig-P15,000 cash aid base sa guidelines na inilabas ng DSWD.
Ang primary respondent naman ng nasabing programa ay ang DTI at sila ang gumawa ng listahan at ang DSWD naman ang magbibigay ng ayuda sa mga rice retailers na inilista at na-validate ng DTI.
Tiniyak ni Regional Director Alan na sa payout, lahat ng grievances o reklamo ng mga rice retailers sa pamamahagi ng nasabing tulong pananalapi ay ipapabatid nila sa DTI upang kanilang maayos tulad ng mga hindi napabilang sa listahan.