CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Department of Social Werlfare and Development (DSWD) region 2 ang kanilang psychosocial support sa mga mamamayang namatayan ng kapamilya dahil sa malawakang pagbaha sa Isabela at Cagayan na dulot ng bagyong Ulysses.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DSWD Assistant Regional Director (ARD) Lucia Alan, sinabi niya na patuloy ang kanilang augmentation support sa mga mamamayan dahil patuloy din ang paghingi ng tulong ng ilang Local Government Units (LGU’s) sa kanilang tanggapan.
Ayon kay ARD Alan, maliban sa family food packs ay nakapagbigay na rin sila ng mga sleeping kits tulad ng mga tent sa mahigit 50 na pamilya sa bahagi ng Quirino at Nueva Vizcaya dahil sa pagkasira ng kanilang mga bahay sa mga pagguho ng lupa.
Kasalukuyan pa ang pangangalap ng datos ng mga nasiraan ng bahay sa bahagi ng Isabela at Cagayan.
Nagbibigay din ng psychosocial support ang DSWD lalo na sa mga pamilyang namatayan at mga nasugatan sa nagdaang kalamidad upang sila ay matulungang makabangon at muling makapagsimula sa kanilang buhay.
Nakapagbigay na rin ang DSWD region 2 ng 10,000 pesos na burial assistance sa mga namatayan at medical assistance ang naibigay sa mga nasugatan.
Dahil wala pa sa rehabilitation phase ay hindi muna magbibigay ng emergency shelter assistance ang DSWD.
Ayon sa DSWD region 2, maliban sa mga sahensiya ng gobyerno ay bumuhos din ang tulong mula sa mga pribadong organisasyon.